Nagpapatuloy ang isinasagawang pre-emptive evacuation ng mga bawat Disaster Risk Reduction and Management Council sa mga residenteng labis na naaapektuhan ng pananalasa ng super typhoon Egay.
Batay sa inisyal na datos na ibinahagi ni MDRRM Officer Charles Castillejos ng Calayan Group of Islands, mayroon nang 28 na pamilya sa Balatubat sa Babuyan Islands habang 18 na pamilya naman sa Naguilian ang nailikas.
Mayroong 42 na pamilya na binubuo ng 154 na indibidwal ang inilikas sa Sta. Ana, Cagayan.
Kasalukuyan naman ang isinasagawang clearing operation ng mga kawani ng DPWH Region 2 sa mga daanan sa Nueva Vizcaya partikular sa Brgy. Napo at Laylaya sa bayan ng Ambaguio.
Naka-deploy naman ang water and search rescue team ng Isabela sa Cabagan, Sta. Maria at Sto. Tomas para sa posibleng pre-emptive evacuation at rescue operations.
Ang lebel naman ng tubig sa Magat reservoir na nasa 165.13 meter kung saan mayroon itong inflow na 56.23 cms at outflow na 302.50 cms.
Samantala, base naman sa datos ng DSWD nasa pitong evacuation center ang kasalukuyang nakabukas sa region 2 na tutuluyan ng mga evacuees.