Nagsagawa ang Department of Social Welfare and Development katuwang ang Department of Trade and Industry ng cash assistance pay-out sa mga maliit na rice retailers sa Isabela.
Naganap ang naturang pay-out sa Xentro Mall, City of Ilagan kung saan dinaluhan ito ng higit 500 beneficiaries.
Sa naging panayam ng 92.9 Brigada News FM DTI Isabela OIC Elmer Agorto, ito aniya ay isa sa mga paraan ng gobyerno upang maibsan ang mga pagkalugi ng mga rice retailers bunsod ng inilunsad na price ceiling sa bigas.
Umaasa rin ito na makatulong ang P15,000 na cash assistance mula sa Sustainable Livelihood Program ng DSWD.
Nagpasalamat naman si Marilyn Malazzab, rice retailer mula sa Tumauini, Isabela, sa pamahalaan sa tulong na ibinigay sa kanila kung saan aniya naibalik din sa kanila ang kanilang naging sakripisyo.
Bukod sa Lalawigan ng Isabela, nagkaroon din ng pay-out ngayong araw sa iba pang bahagi ng Lambak ng Cagayan.