𝗦𝗘𝗔𝗥𝗖𝗛 𝗔𝗡𝗗 𝗥𝗘𝗦𝗖𝗨𝗘 𝗢𝗣𝗘𝗥𝗔𝗧I𝗢𝗡 𝗣𝗔𝗥𝗔 𝗦𝗔 𝗡𝗔𝗪𝗔𝗪𝗔𝗟𝗔𝗡𝗚 𝗖𝗘𝗦𝗦𝗡𝗔 𝗣𝗟𝗔𝗡𝗘, 𝗜𝗦𝗜𝗡𝗔𝗚𝗔𝗪𝗔

Bumuo na ng Incident Management Team upang isagawa ang search and rescue operation sa mga sakay ng nawawalang RPC-8598 2-seater Cessna plane na nag-take off mula Laoag City Airport papuntang Tuguegarao City, ika-uno ng Agosto.

Sa nakuhang pahayag kay Rueli Rapsing, head ng Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), nawawala ang Cessna plane tanghali kahapon sakay ang isang student pilot at ang kanyang Pilot Instructor.

Dagdag pa ng opisyal, papasok na sana sa parte ng Claveria, Cagayan ang eroplano subalit, dahil sa sama ng panahon, posibleng bumagsak ito base rin sa emergency meeting na pinangunahan ng Office of Civil Defense Region 2.

Bago naiulat na nawawala ang nasabing eroplano, nakapagpadala pa ito ng impormasyon sa linya ng komunikasyon sa radar na nasa taas na 8000 ft. at nasa 32 nautical miles sa Hilagang kanlurang bahagi ng Alcala, Cagayan.

Binanggit aniya na dalawang Cessna plane ang galing sa Laoag City Airport na lumipad patungong Tuguegarao subalit isa lang ang nakarating sa lungsod.

Ayon kay Rapsing, posibleng bumagsak ang naturang eroplano sa bahagi ng Apayao, Abra o Kalinga.

Sa kasalukuyan, ito ay pinag-aaralan pa rin ng otoridad para sa mabilisang paghahanap sa binagsakan nito.

Ang pilot instructor ng Cessna plane ay nakilalang si Capt. Edzel John Lumbao Tabuzo, residente ng San Juan City, Metro Manila kasama ang student pilot na si Anshum Rajkumar Konde, isang Indian National.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *