Nasawi ang isang lalaki matapos itong pagsasaksakin ng kaniyang sariling kapatid sa Barangay Annafunan, Echague, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan, kinilala ang biktima na si Jun Damian habang ang suspek nitong kapatid ay si Felix Damian, 46-anyos na kapwa residente sa natirang lugar.
Lumalabas sa imbestigasyon ng Echague Police Station na kasalukuyan ang paggunita sa ika-apatnapung araw ng pagkamatay ng ama ng magkapatid nang mangyari ang krimen.
Kaugnay dito, nagkaroon umano ng inuman kung saan biglang dumating si Felix ay nagtalo sila ni Jun dahil sinubukan ng suspek na sirain ang sasakyan ng kanilang yumaong ama.
Nagawa pang maawat ng mga kamag-anak ang pagtatalo ng magkapatid hanggang sa umuwi muna si Felix at pagbalik ay mayroon na itong dala dalang kitchen knife.
Ang nasabing kutsilyo ang ginamit umano ng suspek sa pagsaksak sa dibdib ng kaniyang nakababatang kapatid na si Jun.
Naidala pa sa pagamutan ang biktima ngunit binawian rin ng buhay.
Patuloy namang nagpaalala ang kapulisan na iwasang masangkot sa pagtatalo sa oras na nasa impluwensya ng nakalalasing na inumin na posibleng humantong sa kahalintulad na insidente.