₱680K ng shabu, nasamsam sa Sto. Tomas City, Batangas

Umaabot sa ₱680,000.00 na pinaniniwalaang shabu ang nakumpiska mula sa isang high value individual sa ikinasang buy bust operation sa Brgy. Poblacion 2, Sto Tomas City, Batangas, kaninang madaling araw.

Kinilala ang suspek na si Akrima Pagador y Umbag, 37 anyos, tubong Midsayap, North Cotabato at residente ng Brgy. Bucal, Calamba City, Laguna.

Ayon sa Sto Tomas City Police Station, dakong 1:15 ng umaga kanina, Nobyembre 29, nang kanilang ikasa ang operasyon na target ang naturang HVI suspect.

Narekober mula sa kanya ang humigit kumulang 100 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng nasa ₱680,000.00

Samantala, tatlong iba pang kasama sa Drug Watch List ng Sto. Tomas CPS ang naaresto sa dalawa pang buy-bust operations.

Ang mga suspek ay kinilalang sina Leo Villanueva y Rimas at Rommelyn Afayart y Mangatsin.

Naaresto ang mga ito sa buy bust operation sa nabanggit ding barangay noong alas 10:28 ng gabi ng Nobyembre 28, 2022.

Timbog din ang suspek na si Marino Brazil y Bituin sa Brgy. Sta Clara na nakuhanan ng nasa 1.3 gramo ng hinihinalang shabu.

Nahaharap na sa kasong paglabag sa RA 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002” ang mga naarestong suspek.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *