₱7.8M halaga ng shabu mula London, nasabat sa Bacoor, Cavite

Umaabot sa 7.8 milyong pisong halaga ng pinaniniwalaang shabu na nagmula sa London ang nasabat ng mga awtoridad sa ikinasang operasyon sa Brgy. Queen’s Row Central, Bacoor City, Cavite, dakong 5:50 kahapon ng hapon.

Ayon sa Cavite Police Provincial Office o CPPO, ang anim na pakete ng shabu ay itinago sa dalawang stuffed toys at laman ng package na nagmula sa United Kingdom na umaabot ang timbang sa 1,140 grams o 1.14 kilograms.

Inaresto ang tumanggap ng package na kinilalang si Noelle Denise Azul, 29 anyos at residente ng Magdiwang Subdivision ng naturang barangay.

Ang naturang package ay dumating sa Port of Clark noong September 23 at idineklarang ”babysoft toys”.

Kinilala ang sender ng parcel na si John Peter habang ang consignee ay si Octavia Dela Cruz na hindi nagawang maaresto.

Nasa kustodiya na ng Bacoor CPS si Azul na mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ang naturang operasyon ay isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Bureau of Customs Clark Port at Cavite PNP.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *