Walang naganap na transport strike sa Lambak ng Cagayan ngayong araw sa kabila ng panawagan ng ilang transport group sa Metro Manila na pagsasagawa ng tigil pasada ngayong araw.
Una nang nagbahagi ng pahayag ang 13 transport cooperative sa region 2 na hindi susunod ang mga ito sa strike dahil sumusuporta sila sa PUV Modernization program ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board at Department of Transportation.
Inihayag rin ni LTO Region 2 Assistant Regional Director Manny Baricaua na walang inaasahang tigil pasada sa rehiyon ngayong linggo makaraang magpahayag ng hindi paglahok sa naturang aktibidad ang ilang mga drayber at operator ng jeep.
Halos 90% na umano sa mga drayber sa lambak ang miyembro na ng transport cooperative at ilan sa mga ito ang mayroon nang ipinapasadang modernized jeepney.
Base naman sa huling datos na ibinahagi ng LTFRB Region 2, mayroon nang bumabiyahe na 80 taxi, 30 PUBs, 65 MPUJs Class 3 , 109 MPUJs Class 2, 15 E-Jeep Class 2 at 5 MUVEs Class 3.