1 patay; 16 sugatan sa cabagan, isabela, matapos mabangga at tumaob ang sinasakyang elf truck

Patay ang isang senior citizen habang 16 ang sugatan matapos mabangga sa isang poste ng ilaw at tumaob ang sinasakyang elf truck ng isang pamilya sa Cabagan, Isabela.

Kinilala ang nasawi na si Milagros Garro isang senior citizen na biyenan ng drayber ng elf truck na kinilalang si Domingo Angoluan,41 anyos na pawang mga residente ng Tumauini, Isabela.

Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay PSSG Elmer Garro, ang imbestigador ng PNP Cabagan, pawang magkakamag-anak umano ang sakay ng naturang elf truck kung saan pauwi na sila nang mangyari ang insidente.

Aniya, 18 umano ang nakasakay sa nasabing elf kung saan napag-alaman na 6 rito ay pawang mga menor de edad.

Ayon pa kay PSSG Garro, nanggaling ang mga biktima sa ilog ng San Pablo matapos magdiwang ng kaarawan at nang pauwi na sila ay nawalan umano ng kontrol sa manibela ang drayber na si Angoluan.

Ito ay nagresulta ng pagkabangga ng kanilang sinasakyang elf truck sa isang poste ng ilaw dahilan upang tumaob ito.

Dahil dito, nasawi si Garro habang nagtamo naman ng sugat sa katawan ang iba pa at sa ngayon aniya ay nasa CVMC ang dalawa pa sa mga biktima at kasalukuyang nilalapatan ng lunas.

Batay sa imbestigasyon ng kapulisan ay lango umano sa nakalalasing na inumin si Angoluan dahilan upang mawalan ito ng kontrol sa pagmamaneho.

Sa ngayon ay nasa pangangalaga na ng Cabagan PS si Angoluan habang hinihintay ang salaysay ng mga complainant na kasalukuyang nasa hospital.

Maaari namang maharap sa kasong homicide with multiple serious and physical injury at damage to property.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *