1 patay, 2 sugatan sa banggaan ng multicab at SUV sa Pilar, Sorsogon

SORSOGON CITY – Patay ang driver ng Multicab habang sugatan ang dalawang pasahero nito sa nangyaring head on collision sa isang SUV kahapon ng umaga sa kahabaan ng Maharlika Highway na sakop ng Brgy Mercedes, Pilar, Sorsogon.

Kinilala ng Pilar Police ang nasawi na si Vincent Parcon Cordero, 32-anyos habang ang mga sugatan ay nakilalang si Dick Mostrado Hisarza, 18-anyos, binata at ang 5-anyos na babae lahat residente ng Brgy Inang ng nasabing bayan.

Nakilala naman ang driver ng SUV na si Sherwin Garcia Baldovino, 41-anyos, may asawa ay residente ng Pamplona Tres, Las Pinas City.

Sa ulat ng Pulisya, galing ng Castilla ang multicab at papunta sanang Pilar habang ang SUV naman ay galing Maynila at papuntang Samar nang pagdating sa nasabing lugar ay nag-overtake umano sa isang behikulo ang SUV hanggang mabangga ang kasalubong na multicab.

Agad rumesponde ang Castilla Health Unit Ambulance na siyang nagdala sa mga sugatan sa Cumadcad  District Hospital subalit ang driver na si Cordero ay hindi na nakarating ng buhay sa ospital.

Ang dalawang behikulo na nagtamo ng hindi matiyak na halaga ng pinsala at ang driver ng SUV ay nasa kustudiya na ngayon ng Pilar Police para sa kaukulang disposisyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published.