10 katao, arestado sa iligal na pagmimina sa Cagayan

Arestado ang 10 kalalakihan na kinabibilangan ng isang menor de edad matapos maaktuhan sa iligal na pagmimina sa Brgy. D’Leano, Claveria, Cagayan.

Kinilala ang mga suspek na sina Edgene Caligan, Reylie Acob, Noel Inocencio, Joel Caligan Jr., Rhayan Avanzado, Oscar Avanzado, Noel Avanzado at Clarence Magayano Sr. na pawang residente ng naturang bayan.

Habang huli rin sina Keith Reeve Julaquit at alyas Dodong na mula naman sa Conner, Apayao. 

Batay sa nakuhang impormasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan sa Police Regional Office No. 2, isinumbong umano ng mga opisyal sa barangay ang naturang iligal na gawain na agad namang tinugunan ng mga otoridad.

Ikinasa ang operasyon ng pinagsanib-pwersa ng  Western Cagayan Maritime Police Station (MARPSTA) – Maritime Group, Explosive Ordinance Disposal and Canine (EOD K9) Unit and Claveria Police Station kung saan huli sa aktong pagmimina ang mga suspek.

Narekober ng mga operatiba sa pag-iingat ng mga suspek ang isang set ng water pump, 2 piraso ng steel mallet, 1 yunit ng hand held radio, 2 piraso ng blasting cap (ordinary), 1 piraso ng five-feet time fuse (ordinary), nasa 50grams ng Ammonium fuel oil (ANFO), 1 litro ng gasolna at 4 na piraso ng steel chisel.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 7076 o People’s Small-scale Mining Act of 1991 ang mga naarestong suspek habang inendorso naman ang menor de edad sa  Claveria Municipal Social Welfare and Development Office para sa kanilang tamang disposisyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *