119 pamilyang apektado ng tension cracks sa Lake Sebu, SoCot, hinahanapan ng relocation site

KORONADAL CITY — NAGHAHANAP na ng permanenteng relocation site ang municipal government ng Lake Sebu, South Cotabato para sa 119 na pamilya na apektado ng malalaking tension cracks sa Barangay Lamcade ng bayan.

Ayon kay Lake Sebu Information Officer Christopher Ofong na nagsasagawa na ng evaluation ang local government sa posibleng relocation site para sa mga residente ng apat na sitio ng nabanggit na barangay na inilikas noong nakaraang linggo dahil sa mga nakita at lumalaking tension cracks.

Noong Lunes, nagsagawa na ng geological inspection at assessment sa mga apektadong lugar ang Mines and Geosciences Bureau o MGB-12 at ideneklarang hindi ligtas tirhan ang nabanggit na mga lugar.

Ang nasabing mga tension cracks o malalaking bitak ng lupa ay makikita sa mga sitio ng Tekansad, Upper Lemnongu, Lower Lemnongu, at Tbob na posibleng maging dahilan ng landslide.

Sa ngayon, nananatili sa kanilang mga tents at barong-barong sa gilid ng daan ang mga nagsilikas na mga residente sa itaas na bahin ng Tekansad na nasa boundary ng Barangay Lamcade at Lamdalag.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *