Bistado ang 18 na katao na kinabibilangan ng apat na senior citizen na nagpapanggap umanong kasapi ng International Police o INTERPOL sa Brgy. Balagbag, Diffun, Quirino.
Sa nakuhang impormasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan sa Police Regional Office No. 2, naaresto ang mga suspek matapos silang mahuli sa paglabag sa ipinatutupad na health protocols laban sa COVID-19.
Bigo umanong makapagprisinta ang mga suspek ng kanilang travel documents matapos hanapan ng mga otoridad.
Ang mga nahuli ay pawang nakasuot ng damit pang-itaas na may markang INTERPOL at UN.
Ayon kay PCPT. Reynold Gonzales, hepe ng PNP-Diffun, dati na ring minamanmanan ang naturang grupo dahil umano sa kanilang modus na nagrerecruit ng mga taong magiging myembro ng INTERPOL.
Aniya, nagpakilala pa umano silang matataas na opisyal ng International Police na nakabase dito sa Pilipinas.
Nangongolekta rin umano sila ng 2,000 pesos bilang membership fee at karagdagang 100 pesos monthly dues upang maging ganap na kasapi ng grupo.
Nahaharap ang mga naarestong suspek sa kasong Usurpation of Authority at paglabag sa umiiral na RA 11332 na sa ngayon ay nasa pangangalaga ng Diffun Police Station.
Photo: PRO 2