18 pasahero, nabiktima ng fake flight booking

Nagreklamo sa Brigada ang isa sa mga bagong biktima ng scammer sa Puerto Princesa City na nag-aalok ng umano’y promo sa airplane ticket.

Ayon kay Ms.  Mercedita Espares ng Ormoc City, nagpa-book sila ng ticket kay Alma Mendoza ng KELLY TICKETING sa barangay Tagburos para labinwalong (18 ) na mga pasahero noon pang January 22, 2020.

Nagbayad siya ng kabuuhan P82, 688.00 sa promo ticket para sana sa bakasyon ngayong November 26-30, 2022 sa Puerto Princesa mula sa orihinal na petsa, May 2020.

Nang i-verify online ni Ms. Mercedita ang kanilang mga ticket ay nalaman nilang hindi sila makaka-biyahe dahil wala sa system ng airline ang kanilang ticket.

Noong una ay sinabihan sila ni Mendoza na ire-rebook na lamang ang ticket dahil “unli-rebooking” pero nagpadagdag pa raw ito ng bayad.

Paliwanag sa kanila ni Mendoza ay nagkaproblema lang sa “System”.

Nangako umano ang inirereklamo noong July 2022 na ibabalik na lang ang kanilang pera pero ayaw nitong makipag-usap ng personal at hindi na rin ito sumasagot sa mga tawag.

Samantala, hindi rin sumasagot sa tawag ng Brigada ang scammer na dati na ring inireklamo. Sarado na rin ang ticketing outlet nito sa Barangay Tagburos.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *