Kinumpirma ng Energy Development Corp (EDC) Geothermal Power Plant na mga consultants nila ang dalawang pasahero ng nawawalang aircraft.
Kinilala ang mga ito na sina Simon Chipperfield at Karthi Santhanam, parehong Australian national.
Si Chipperfield ay dalubhasa sa Sub-Surface Geothermal Resource at Sub-surface Well services at Drilling. Nagsimula ito sa EDC noong taong 2021 hanggang sa kasalukuyan.
Si Santhanam naman ay mag-iisang taon pa lang sa Marso sa EDC kung saan siya ang Lead Health, Safety and Environment (HSE) Advisor.
Habang ang piloto ng Cessna 340 plane na may tail number na RP-C2080 ay kinilalang si Cpt Rufino James Crisostomo Jr at ang crew na si Joel Martin.
Ayon sa EDC, ipinaalam na nila sa pamilya ng apat na sakay ng aircraft ang nangyari at patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga ito.
Sa impormasyon na nakuha ng Brigada News, galing umano sa planta ang mga consultants para sa site visit na regular na nilang ginagawa.
Pangunahing alalahanin ngayon ng EDC ay ang mabilis at ligtas na pagliligtas sa kanilang apat na kasamahan na nakasakay sa aircraft.
Ang wreckage ng aircraft ay natagpuan na malapit sa crater ng Mayon Volcano.
Bunsod nito, agad na pinakilos ng nasabing kompanyan ang kanilang Emergency Response Teams, hindi lamang mula sa Bacman geothermal facility sa Bicol kundi maging ang kanilang ERTs mula sa Leyte, Negros at Mt. Apo geothermal facilities.
Ang mga ito ay umalis na sa kani-kanilang lokasyon na may mga sasakyan at kagamitan at gadgets tulad ng drones. Isang chopper ang lumipad na mula Maynila kahapon ng umaga, Pebrero 19 at may dalawa pang chopper na naka-standby para sa reinforcement.
Kung babalikan, ang Cessna plane na pag-aari ng Lopez Group of Companies ay napaulat na missing umaga noong Sabado matapos na magtake-off ito sa Bicol International Airport sa Daraga, Albay.
Itinuturing na ang insidente ay ang ikalawang pagkawala ng Cessna plane sa bansa ngayon taon. Noong nakaraang buwan ay isang Cessna 206 na lulan ng 6 na pasahero ang nawala sa kabundukan ng Sierra Madre sa Isabela.
