CAMARINES NORTE- Isinusulong ni Bokal Atoy Moreno ang isang resolusyon na humihiling sa DEPED-Camarines Norte ng agarang Academic Freeze o suspensyon ng klase sa loob ng dalawang linggo bunsod ng tumataas na bilang ng kaso ng COVID-19 sa lalawigan.
Gayundin na kung maaari ay isang beses na lamang mula sa kasalukuyang tatlong beses sa isang linggo ang pagtungo ng mga guro sa paaralan upang mabawasan ang risk na sila ay kapitan ng virus.
Base sa resolusyon itoy’ bunsod umano na ang mga naitatalang kumpirmadong kaso ng COVID-19 kung saan pawang mga kabataan ang naaapektuhan na ang pinakabata ay isang taong gulang
Nakasaad pa rito na sa isinasagawa ngayong modular learning, malaki ang posibilidad na makuha at maikalat ang virus sa simple lamang na paghawak sa mga modules na dinidistribute ng mga guro sa mga estudyante at maging sa mga magulang na ang ilan ay kinakailangan pang dalhin ang mga modules sa mga eskuwelahan upang ibalik ito sa mga guro
Kaya’t upang maiwasan ang panganib na dala ng COVID-19 sa mga guro at maging sa mga estudyante ay marapat lamang anya na maipatupad ang agarang dalawang linggong academic freeze sa lalawigan

