2 massage spa na nag-eextra service, ni-raid sa Laguna; 2 bugaw huli, 7 na-rescue

Na-rescue ng mga otoridad ang pitong biktima ng human trafficking habang naaresto naman ang dalawang umano’y bugaw sa ikinasang magkahiwalay na operasyon sa dalawang massage spa sa Brgy. Anos, Los Baños, Laguna.

Kinilala ni Laguna PPO acting Provincial Director PCol, Randy Glen Silvio, ang mga suspek na sina alyas ‘Cherry’, residente ng Bay, Laguna at ‘Maria’ na residente naman ng Los Baños.

Ayon sa report ng Los Baños Municipal Police Station, nagsagawa sila ng magkahiwalay na joint entrapment operation matapos makatanggap ng mga sumbong na may nagaganap na iligal na aktibidad sa dalawang massage spa.

Batay sa kanilang nakuhang sumbong, front lamang ng spa ang masahe at may nagaganap na pag-aalok ng extra service o sexual services sa mga customers kapalit ang pera.

Dito ay nagsagawa ng entrapment operations kung saan nagkunwaring customer ang mga pulis.

Matapos na positibong nakumpirma ay unang naaresto si alyas ‘Cherry’ na cashier ng isang massage spa.

Nakumpiska mula sa kanya ang 500.00 pesos na marked money, isang tuwalya, lotion at Identification Card o ID nito.

Sunod naman na naaresto si alyas ‘Maria’ na may-ari at cashier ng isa pang massage spa.

Nasamsam mula sa suspek ang 500.00 pesos na marked money pinambayad ng mga kapulisan na nagpanggap na customer, isang tuwalya, isang set ng massage lotion oil at ID ng suspek.

Nasa kustodiya na ng Los Baños MPS ang mga suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9208 o “Anti-Trafficking in Persons Act of 2003”.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *