LEGAZPI CITY – Binigyang-diin at linaw ni Legazpi City Councilor Alexander Jao ang dalawang ordinansang kanyang isinusulong na may kinalaman sa pagbibigay ng insentibo sa mga mag-aaral at mga graduates.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi sa konsehal, sinabi niyang layunin ng unang ordinansa na bigyang motibasyon ang mga mag-aaral na mag-aaral nang mabuti at magpursigi sa pag-aaral upang maabot ang kanilang mga ambisyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng cash incentives kung sila ay mapapabilang sa Top 10 ng PRC board o bar exams passers.
Aniya, ang pangalawa namang ordinansa ay may kanaisang magbigay din ng incentives o academic bonus para sa mga mag-aaral na nasa honor o Top 1 sa kanilang klase.
Kinakailangan lamang, aniya, na bona fide Legazpeño ang makaka-avail ng incentives, at kung hindi namana nakatira sa nasabing syudad, dapat ang institusyong kaniyang kinabibilangan ay nasa Legazpi.
Dagdag pa niya, kukunin sa general fund ang magiging budget ng mga ito sakaling maipasa, at pinaaprubahan na rin ito sa local finance committee ng syudad.
Sinabi rin ni Jao, noong nakaraang taon pa dapat ito subalit hindi naman naaprubahan ng local finance dahil tinitignan pa umano ang magiging budget. Kumpyansa naman si Jao na maipapasa ang kanyang mga ordinansa dahil suporta naman umano ang kanyang mga kasamahan sa sanggunian dahil katunayan nito, nasa ikalawang pagbasa na rin ito at kaunti na lamang ang kinakailangang ayusin.