2 patay, 3 sugatan matapos magliyab ang nahulog na fuel tanker sa Nueva Vizcaya

Sunog ang katawan at hindi pa nakikilala ang dalawang sakay ng isang fuel tanker matapos mahulog ito sa tulay at lumiyab sa San Lorenzo Bridge, Brgy. Baretbet, Bagabag, Nueva Vizcaya bandang alas-11 ng gabi ng Linggo, September 12, 2021.

Habang sugatan naman ang tatlong iba pa na sakay nito na kinilalang sina Eric Peralta, 34-anyos at residente ng Ramon, Isabela; Jayson Pacleba, 18-anyos at Edwin Pacleba, 52-anyos na kapwa residente ng Palattao, Naguilian, Isabela.

Sa pakikipag-ugnayan ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay PMaj. Romeo Barnachae Jr., Chief of Police ng Bagabag Police Station, galing sa Maynila ang fuel tanker at patungo sa lalawigan ng Isabela.

Nang makarating na sa tulay ay nawalan umano ng kontrol sa manibela ang tsuper at bumangga sa rehas ng tulay hanggang sa nahulog ang tanker.

Lumiyab ang fuel tanker kung saan nadamay na nasunog ang tsuper at isang pahinante nito.

Isinugod naman sa isang pagamutan ang tatlong nagtamo rin ng sunog sa kanilang katawan.

Nadamay ding nasunog ang mga kagamitan, sasakyan at tricycle ng mga construction worker sa ilalim ng ginagawang bagong tulay.

Naapula naman ang sunog ng mga rumispundeng mga kasapi ng BFP Bagabag at iba pang fire station na umabot sa 3rd alarm.

Nagpapatuloy pa rin ang ginagawang imbestigasyon ng kapulisan at BFP sa nangyaring pagliyab ng fuel tanker.

Photo/Ed Bartolome

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *