Inaprubahan na ng House Appropriations Committee ang General Appropriations Bill para sa susunod na taon.
Ayon kay Appropriations Senior Vice Chairperson at Marikina City Second District Representative Stella Quimbo, kasado na ang plenary debates simula sa September 19 at inaasahang magtatapos sa September 27.
Kinumpirma rin ni Quimbo na walang nabago o ginalaw sa confidential funds na hiniling ng ilang ahensya ng gobyerno.
Gayunman, napagpasyahan sa committee report na baguhin ang validity ng budget sa ilalim ng National Expenditure Program kung saan ang Maintenance and Other Operating Expenses o MOOE ay gagawin nang dalawang taon mula sa kasalukuyang isa’t kalahating taon.
Naglagay din aniya ng special provision sa isang chapter upang tiyakin ang independence o pagiging co-equal branch ng gobyerno ang Kongreso.
Ibig sabihin, tinanggal ang mga salitang nag-oobliga sa Kongreso na magsumite ng report sa Executive Department.
Una nang inihayag ng Kamara na target nilang tapusin agad ang paghimay sa panukalang budget sa plenaryo bago mag-adjourn ang sesyon upang maiwasan ang re-enacted budget sa susunod na taon at pagkaantala ng mga programa at serbisyo.