22 na mga pampublikong paaralan sa Bicol na hindi pa nakakapag-full F2F classes, mula umano sa mga lugar na madalas naaapektuhan ng mga kalamidad

Inihayag ng Department of Education (DEPED) Bicol na mayroon pang 22 na mga pampublikong paaralan sa buong Bicol na hindi pa nakakapagsagawa ng in-person classes ngayon.

Ayon kay Mayflor Jumamil, ang mga paaralang ito ay kasalukuyang nasa blended learning pa rin at karamihan nito ay nasa mga lalawigan ng Camarines Sur at Camarines Norte.

Aniya, iyon umano ang mga paaralang madalas na naaapektuhan ng mga kalamidad katulad ng baha at mga bagyo.

Ayon pa sa kanya, karamihan ng mga nasabing paaralan ay nagrequest na magpatuloy muna sa blended learning dahil hindi pa nito naaabot ang mga kinakailangan katulad ng mga silid-aralan, at mga guro.

Sinabi ni Jumamil na ang kanilang mga concerns ay naipaabot na sa regional at central office at ang central office naman ay nakahanda naman umanong maglaan ng pondo para sa mga repairs at iba pang mga pangangailangan.

Sa oras na maabot at maibigay na ang pangangailangan, saka lamang umano magkakaroon ng full face-to-face classes.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *