Dalawampu’t pitong tauhan ng Pasay City Police Station ang ni-relieve sa pwesto ni NCRPO chief PBGen. Jose Melencio Nartatez Jr. dahil sa kapabayaan kaugnay sa sinalakay na POGO hub sa lungsod kamakailan.

Ayon kay PNP Public Information Office Chief Col. Jean Fajardo, kabilang sa inalis sa pwesto ang hepe nito na si Col. Froilan Uy at station commander ng Pasay City Sub station.
Iimbestigahan ang mga ito sa posibleng neglect of duty dahil sa mabigat na isyu ng human trafficking na hindi na-detect ng Pasay City police.
Papalitan si Uy, at magkakaroon na ng turn over ceremony para kay PLt Col Mario Mayanes.
Maaalalang, iniimbestigahan na ng Internal Affairs Service ang Pasay Police dahil sa pagsalakay sa POGO hub na nangyari nitong October 27.
Ayon kay IAS Inspector General, Atty. Alfegar Triambulo, bumuo na sila ng special investigation task force na tututok sa kaso at pinangangasiwaan ito ng National IAS at Regional IAS NCR.
Paliwanag niya, alaamin ng task force kung totoo ang alegasyon nang kapabayaan sa trabaho ng mga pulis kaya nagkaroon ng prostitusyon at iba pang iligal na gawain sa kanilang nasasakupan.
Mahigpit na atas ni Triambulo sa task force, gawing mabilis ngunit malalim ang pag-iimbestiga sa mga pulis dahil mabigat na isyu ang human trafficking na hindi na-detect ng Pasay City police.
Ang imbestigasyon ay inilunsad ng IAS, alinsunod sa panawagan ni Department of Interior and Local Government Sec. Benhur Abalos na paganahin ng IAS ang kanilang kapangyarihan para mangalap ng mga ebidensya at alamin ang mga pagkukulang sa naturang raid sa POGO hub.
Naniniwala kasi si Abalos na imposibleng hindi alam ng mga pulis sa lugar ang iligal na aktibidad sa naturang POGO.