Arestado ang tatlong indibidwal matapos na makuhanan ng mga armas sa ikinasang Oplan Sita ng mga otoridad sa Poblacion, Rosario, Batangas kahapon ng madaling araw, Pebrero 22, 2023.
Kinilala ang mga suspek na sina Marvel Mendoza y Cueto, 50 anyos; Edwin Dagli y Ebite, 47 anyos, pawang residente ng naturang bayan at Antonio Gabia y Balahibo, 69 anyos at residente ng Lobo, Batangas.
Ayon sa imbestigasyon ng Rosario Municipal Police Station, dakong 1:45 ng madaling araw ng makita ng mga nagpapatrolyang pulis ang tatlo na sakay sa dalawang motorsiklo at may dalang sling bag.
Matapos tanungin kung ano ang laman nito ay inamin ng tatlo na may dala silang mga baril.
Wala silang naipakitang dokumento sa dalang mga baril kaya ito ay kinumpiska ng mga kapulisan.
Narekober sa mga suspek ang tatlong kalibre 45 na armas, mga magazine at mga bala nito.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng naturang himpilan ang mga suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 o Illegal possession of firearm and Ammunition.