NAGA CITY – Naglakad ng ilang araw ang tatlong bata na unang napabalitang nawawala mula sa Cabusao Camarines Sur hanggang sa Basud, Camarines Norte bago ang mga ito tuluyang makabalik sa kanilang magulang, sa tulong na rin ng mga personahe ng Camarines Norte 1st Police Mobile Force company.
Ang mga bata ay umalis sa kanilang lugar sa Sityo Pasakil, Barangay New Poblacion, Cabusao noong araw ng Linggo at Martes ng hapon ng maiuwi.
Nakapanayam ng Brigada News FM Naga si New Poblacion Barangay Kagawad Divina Santelices, Committee chairman ng Violence Against Women and Their Children o VAWC at naikuwento nito ang ilang detalye sa nangyaring pagkawala ng mga bata.
Anya’y napagalitan ng magulang ang isa sa mga ito ang 14 taong gulang, kaya niyaya niya ang dalawa pang bata na nasa edad walo at siyam na taong gulang na maglayas hanggang sa makarating sa Basud.
Nabanggit ni Kagawad Santelices na agad namang nakipag-ugnayan sa Cabusao Municipal Police Station ang mga otoridad ng Basud kaya nagtulong-tulong ang mga itong maibalik sa pamilya ang mga bata.
Katuwang din ang mga personahe ng Municipal Social Welfare and Development Office pag recover sa mga ito.