Tuluyan nang inaresto ang tatlong indibidwal matapos na makuhanan ang mga ito ng baril at mga bala sa ikinasang checkpoint sa Brgy Poblacion, Balud, Masbate.
Kinilala ang mga suspek na sina Jeddiah Arroyo Quarre, 25-anyos, may asawa, walang trabaho at Nico Valencia Barredo, 40-anyos, may asawa, Karpentero at parehong naninirahan sa nasabing barangay at Mark Jhan Villaruel Estrella, 23-anyos, binata, estudyante at resident ng Brgy Looc, Mandaon, Masbate.
Sa ulat na natanggap ng Brigada News, magsisilbi sana ng search warrant sa bayan ng Mandaon ang mga operatiba ng CIDG Masbate PFU nang ma-flagged down nila ang tricycle kung saan ang mga sakay ay kahinahinala.
Hindi naman nagkamali ang mga awtoridad dahil nang patigilin ang mga susupek ay agad napansin ang grip ng baril na nakausli sa baywang ng isang suspek. Nabatid din na ang mga ito ay nasa ilalim ng impluwensya ng alak.
Narekober sa mga suspek ang isang kalibre .45 na pistola, isang steel magazine na kargado ng 7 bala, isang extra steel magazine na kargado ng 6 na bala at isang belt bag na may markings na SWAT.
Agad na tinurn-over ang mga suspek sa Balud MPS at sa update na nakuha ng Brigada News wala namang nakitang record ang narekober na baril sa Logistic Data Information andΒ Management System (LDIMS).
Gayunpaman, mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 10591 o illegal possession of firearm and ammunition at BP 88 na may relasyon sa Omnibus Election Code of the Phils.
