3 insidente ng pagkalunod sa Albay, hindi umano maituturing na typhoon-related incident – APSEMO

LEGAZPI CITY – Inihayag ng Albay Public Safety and Management Office (APSEMO) na hindi maaaring isama sa talaan ng casualty ang tatlong nalunod sa magkakahiwalay na bayan sa lalawigan ng Albay.

Ayon kay Dr. Cedric Daep, ang chief ng nasabing opisina, hindi maituturing na typhoon-related incident ang mga nalunod sa bayan ng Camalig, Polangui at Manito sa lalawigan dahil tapos na ang bagyo.

Aniya, wala rin silang natanggap na report sa nabanggit na insidente at hindi rin pasok sa kriteria dahil hindi ito nangyari sa oras na tumama ang bagyo.

Maliban pa rito, titingnan din ng tanggapan ang nakalagay sa death certificate upang malaman ang kanilang pagkasawi.

Kung babalikan ang magkakahiwalay na insidente, sa bayan ng Polangui, tumalon ang biktimang si Ricky Bagacina Bagayawa upang lumangoy, ngunit natangay ng malakas na agos ng tubig at hanggang sa ngayon ay hindi pa rin natatagpuan ang bangkay ng biktima.

Sa Manito, nanghuli ng isda ang biktimang si Gloria Dimaiwat Buitre kasama ang live-in partner nito sa karagatang malapit sa pantalan ngunit sa hindi inaasahan ay biglang tumaob ang kanilang sinasakyang bangka dahil sa malakas na hangin at alon ng tubig; habang sa Camalig naman, papauwi na sana ang biktima nang mahulog ito sa tulay, ngunit tinangay pa rin ito ng malakas na agos ng tubig, kung saan natagpuan na lamang ito ng halos 1 kilometro ang layo mula sa tulay na naging dahilang ng agarang pagkamatay ng biktima.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *