3 kaso ng covid-19 variant of concerns, naitala sa probinsya ng Kalinga

Naitala ang tatlong panibagong kaso ng COVID-19 variant of concerns sa probinsya ng Kalinga kahapon, July 21, 2021.

Ayon sa Pamahalaang Panlalawigan ng Kalinga, dalawa sa mga ito ay tinamaan ng B.1.1.7 variant o UK variant na tinatawag na ngayong Alpha variant at isang South African variant o beta variant.

Ang unang pasyente ay isang 67-anyos na lalaki na mula sa Aciga, Pinukpuk at 75-anyos na lola na mula naman sa Lower Taloctoc, Tanudan.

Habang ang isa na positibo sa Beta variant ay isang 59-anyos na babae na mula naman sa Anunang, Liwan West, Rizal.

Inabisuhan na umano ang mga Municipal Health Office ng mga naturang bayan at pinayuhan na rin ng mga dapat gawin na hakbang para maiwasan ang lalo pang paglaganap ng mga naitalang bagong variants.

Kabilang na umano rito ang pag-assess sa mga pasyente, back tracing sa kanilang mga close contacts, aktibong pagtukoy sa mga 2nd at 3rd generation contacts at ang pagsasailalim sa mga ito sa isolation at quarantine alinsunod sa health protocol.

Batay sa datos ang probinsya ng Kalinga ay mayroon ng kabuoang 21 na kaso ng Alpha variant at isang beta variant.

Samantala, bilang paghahanda ng probinsya sa pagkalat ng Delta variant ay mananatili ang border control checkpoint at triage sa mga entry points at pagpapatupad ng contingency plan for COVID-19 delta and delta+ variant.

Nagsagawa na rin ng imbentaryo sa critical equipment at facilities kung saan possible umanong bumili pa ng mga karagadagang units kung kinakailangan.

Natanggap na rin ng probinsya kagabi ang nasa 15K doses ng Janssen vaccines (Johnson & Johnson) mula sa DOH CAR Center for Health Development na inilaan para sa mga A2 at A3 priority groups sa mga isolated disadvantaged areas.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *