Na-rescue ang tatlong mangingisda na taga Calapacuan, Subic ng kapwa nito mangingisda rin sa San Antonio, Zambales kahapon ng umaga.
Base sa impormasyon mula sa San Antonio Public Information Office, natagpuan ng mangingisda ring si Ruben Ramelo sina Pelepin Baldia, Diosdado Masuanggat, at Regino Llema na mga residente ng Calapacuan nasa 30-milya ang layo mula sa baybayin ng Bgy. San Miguel.
Nasa dalawang araw at dalawang gabi umano na nagpalutang-lutang ang tatlo sa dagat matapos na masira ang unahang bahagi ng kanilang bangka dahil sa lakas ng alon nakalipas na araw.
Kumapit ang mga ito sa nakalutang na bahagi ng bangka hanggang sa natagpuan sila ng kapwa mangingisda rin na si Ramelo na residente ng San Miguel, San Antonio.
Ligtas naman ang tatlong mangingisda na sinundo ng rescue vehicle ng Calapacuan kahapon ng hapon pauwi sa kanilang lugar.//Jen Bayot-BNFM OLONGAPO
Photo Courtesy: SAZ Public Information Office