3 pang mga ‘investment scam’ sa Catanduanes, kasalukuyang minomonitor ng NBI

BNFM BICOL—Matapos ang pagputok ng isyu hinggil sa COMPLAN na isang crypto currency investment scheme na nambiktima ng nasa mahigit 2,000 investors sa Catanduanes, kinumpirma ni NBI Investigation Agent Robert Joey Ajero na tatlo pang pinaniniwalaang ‘investment scam’ ang minomonitor ngayon ng kanilang ahensya sa lalawigan.

Ayon kay Ajero, minamanmanan nila ngayon ang tatlong iba pang iniulat ng mga investment scam sa probinsya na gumagamit ng kaparehong modus operandi na kagaya ng COMPLAN subalit naka pangalan sa ibang mga personalidad ang operasyon.

Sa bayan umano ng Viga, isang indbidwal ang nag-aalok ng investment account sa mga tao na nangangako ng mga mahirap paniwalaang claims gaya ng pagkakaroon ng kitang aabot sa P1,000 kada araw kung mag i-invest sakanila.

Ang dalawang iba pa ay nadiskubre naman ng NBI sa bayan ng Virac na ginagamit ang bitcoin trading bilang cover. Hinihikayat nilang lumutang ang mga biktima nito, ngunit sa ngayon ay wala pa umanong naglalakas loob na lumabas at magsampa ng reklamo.

Kaugnay nito, pinaalalahanan ni Agent Ajero ang publiko na maging maingat sa pakikipag transaksyon at pagkagat sa mga investment scheme na nangangako ng kaduda-dudang benepisyo habang hinikayat naman nito ang mga biktima na huwag matakot na lumutang at magsampa ng reklamo, malaki o maliit man ang halaga ng perang natangay mula sa mga ito.

Matatandaang pormal na ring nagsampa ng demanda nitong nakaraang linggo ang 40 investors na nabiktima ng COMPLAN sa lalawigan kung saan ayon sa mga ito ay nasa P55 – P60 million ang halaga ng blood money na kanilang hinahabol laban sa limang itinuturong suspek. Kabilang dito ang mag-asawang Darius Panti at Maureen Ambrosio na umanoy tumakas at wala na sa probinsya.###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *