Muling ipatutupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang 30-minute heat stroke break policy para sa mga traffic enforcer at mga street sweeper ngayong tag-init.
Sinabi ni MMDA Chairman Benhur Abalos, layunin nitong maprotektahan ang kalusugan ng kanilang mga on-duty field officer laban sa heat exhaustion, heat stroke at heat cramps.
Sa ilalim ng nasabing polisiya ay papayagan ang mga on-duty traffic enforcer at street sweeper na nasa kalsada na pansamantalang iwanan ang kanilang trabaho at magpahinga ng tatlumpong minuto.
Kaugnay nito’y, magiging salitan naman ang heat stroke break sa mga kawani ng MMDA upang mapanatili pa rin ang visibility ng mga traffic enforcer upang hindi maantala ang kanilang operasyon.
Samantala, dagdag pa ni Chairman Abalos na posibleng madagdagan pa ng 15 minuto ang naturang heat stroke break sakaling pumalo na sa 40 degree celcius ang heat index sa Metro Manila.
Epektibo ang pagpapatupad ng heat stroke break hanggang katapusan ngayong buwan ng Mayo.