4 bikers na pawang menor de edad, sugatan matapos mabangga ng motorsiklo sa Alicia, Isabela

Sugatan ang apat na menor de edad na siklista matapos mabangga ng motorsiklo noong gabi ng May 25 sa national highway na sakop ng Brgy. San Fernando, Alicia, Isabela.

Kinilala ang suspek na si Angelo Gallarin, 28-anyos may asawa isang laborer at residente ng purok fortune, Brgy Aurora, Alicia, Isabela.

Batay sa pagsisiyasat ng Alicia Police Station, nagpapahinga umano ang grupo ng mga naturang bikers sa roadside partikular sa southbound shoulder lane habang patungo naman sa Alicia town proper si Gallarin nang aksidenteng mabangga ang mga minor riders.

Dahil dito ay nasugatan ang apat na menor de edad habang nagtamo rin ng sugat sa katawan si Gallarin na tumanggi nang dalhin sa pagamutan.

Ayon pa sa ulat ng PNP Alicia, nasa edad 15 hanggang 17-anyos ang mga biktima na mula pa sa ibang bayan at syudad.

Napag-alaman din na nasa impluwensya ng nakalalasing na inumin ang suspek.

Samantala, sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay Gallarin aminado siyang  nakainom at pauwi na sana sa kanilang bahay nang mangyari ang aksidente.

Nakatakdang mag-usap ang mga magulang ng mga menor de edad at ang suspek habang nasa pangangalaga na ng Alicia Police Station para sa kaniyang tamang disposisyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *