4 huli sa pagpapasabong ng gagamba sa Lemery, Batangas

Kalaboso ang apat na mga kalalakihan matapos na maaktuhan ng mga otoridad na nagpapasabong ng gagamba sa Barangay Dita, Lemery, Batangas.

Kinilala ng Lemery Municipal Police Station ang mga suspek na sina Bren Cueto Manalo, 36 anyos, isang construction worker; Erwin Reyes De Villa, 27; Darwin Dela Cruz Villaluz, 44, pawang mga residente ng nabanggit na bayan at Adrian Florendo Pilapil, 37 anyos na dayo pa mula sa Brgy. Bagong Tubig, Calaca, Batangas.

Sa panayam ng Brigada Batangas kay Lt. Col. Ruel Lito Fronda, hepe ng Lemery MPS, sinabi nitong aktong naabutan ng kanilang puwersa ang apat na tumataya sa sabong ng mga gagamba, dakong alas-5:30 ng hapon kahapon, Agosto 13.

Narekober mula sa mga suspek ang walong buhay na gagamba, dalawang stick, hiringgilya na may lamang gamot para sa gagamba at ang ginawa nilang improvised arena kung saan pinagsasabong ang mga gagamba.

Umaabot sa P1,850.00 ang nakumpiskang halaga ng taya mula sa mga suspek.

Kinasuhan na ang mga ito kaninang umaga ng paglabag sa PD 1602 at kasalukuyang nakadetina sa naturang himpilan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *