4 katao nasawi matapos matabunan ng lupa sa nangyaring landslide sa Nueva Vizcaya

Patay ang apat na construction worker matapos matabunan ng lupa sa nangyaring landslide sa Sitio Naduntog, Tiblac, Ambaguio, Nueva Vizcaya noong umaga ng September 3, 2021.

Kinilala ang mga nasawi na sina Christopher Padua, 38-anyos, residente ng Barangay Sta. Rosa, Bayombong, Nueva Vizcaya; Rafael Villar, 42-anyos; John Retamola, 25-anyos, kapwa residente ng Barangay Ibung, Villaverd at Carlos Tome, residente naman ng Purok 7, Barangay Bonfal East, Bayombong.

Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay PLt. Christian Vincent Tomas, Deputy Chief of Police ng Ambaguio Police Station, sinabi niya na dakong alas-8:30 ng umaga kahapon nang mangyari ang naturang pagguho ng lupa.

Aniya, nagtungo sa site ang mga biktima at ang iba pang kasamahan nila upang gumawa ng concrete slope protection wall para maiwasan ang landslide sa lupaing pagmamay-ari ng isang John Vic Viernes, 39-anyos at residente ng Barangay Don Mariano Perez, Ambaguio.

Habang naghuhukay umano ng pundasyon ng concrete wall ay hindi namalayan na biglang gumuho ang lupa at tuluyang natabunan ang apat ng biktima ng mahigit 6-meter na kapal ng lupa.

Kaagad namang rumisponde ang mga kasapi ng PNP Ambaguio, BFP, MDRRMO at Tam-an rescue team para sa retrieval operation.

Bandang ala-1 na ng hapon ng matapos ang paghuhukay sa katawan ng mga biktima kung saan unang narekober ang tatlong biktima na aksidenteng matamaan ng backhoe at mapugutan ng ulo.

Dinala naman ang katawan ng mga biktima sa isang punerarya.

Ayon pa kay PLt. Tomas, nagkaroon na ng initial na pag-uusap ang pamilya ng mga biktima at si Viernes kung saan binayaran na umano nito ang funeral fees at magbibigay ng financial assistance.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *