4 na estudyante, patay matapos bumangga ang sinasakyan sa isang truck sa Tayabas City, Quezon

Patay ang apat na sakay ng isang kotse matapos umanong bumangga sa isang truck sa Tayabas City, Quezon.

Sa panayam ng Brigada News FM Lucena sa driver ng naturang truck, bandang mag-aalas 3:00 ng umaga habang binabagtas niya umano ang kahabaan ng Maharlika Highway sa Barangay Calumpang nang bigla umanong may sumabog na sa pag aakala niya ay gulong ng truck.

Dahan dahan umano niyang itinatabi ang truck na minamaneho upang icheck ito, ngunit ng kanya umanong silipin ang side mirror ay duon niya napag alamang may kaladkad na itong kotse.

Kaugnay nito, agad namang rumesponde ang mga personahe ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) Sariaya, CDRRMO Tayabas, Burea of Fire Protection (BFP) Tayabas at Tayabas City Police Station.

Sa gitna nito, kinilala ang mga biktima ng driver na sina Enrique Rey Garcia at si Marga Ylaine Ramirez na nakaupo naman sa passenger seat samantala ang dalawa pa sa mga biktima na pawang nakaupo sa likurang bahagi ng kotse ay kinilalang sina Mikaela Solomon at Juan Carlos Alvarez na pawang mga taga Candelaria base sa ID na nakuha sa mga ito.

Ayon kay Police Master Sergeant Jomer Quinio, base sa naging imbestigasyon lumalabas na maari umanong mabilis ang takbo ng kotse kung kaya’t sumalpok ito sa naturang truck, paglilinaw aniya wala umanong senyales na nakainom ang driver o ang iba pang mga biktima.

Kasalukuyan namang nasa kustodiya ng Tayabas CPS ang driver ng truck para sa kaukulang disposisyon at dokumentasyon.(BNFM LUCENA | NHIECOLE ABEJO)
#

Leave a Reply

Your email address will not be published.