4 na lugar, isinailalim sa signal number 1 dahil sa TD ‘Crising’

Lumakas na sa isang Tropical Depression ang Low Pressure Area na huling namataan sa silangang bahagi ng Davao City.

Tinawag ng PAGASA ang nasabing weather disturbance bilang “Crising.”

Base sa huling tala ng PAGASA ay namataan ang Crising sa layong 430 kilometers silangan ng Davao City taglay ang lakas ng hangin na pumapalo sa 45 kph at pagbugso na aabot sa 55 kph.

Dahil diyan ay sinabi ng PAGASA na asahan na ang maulan at mahangin na panahon sa Davao Region at Surigao del Sur.

Nagbabala rin ang weather bureau na posibleng makapinsala ang bagyo sa mga imprastraktura at pananim dahil sa katamtaman hanggang sa malakas na hangin, pagbaha, at landslides bunsod ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan.

Makakaranas naman ang natitirang bahagi ng Mindanao ng kalat-kalat na pag-ulan na may kasamang pagkulog at pagkidlat dahil sa trough ng Crising.

Naitaas na ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa: Surigao del Sur, Davao Oriental, Davao de Oro, at sa eastern portion ng Agusan del Sur.

Samantala, makakaranas naman ang Metro Manila at ang nalalabing bahagi ng bansa ng maulap na kalangitan na may tyansa ng pulo-pulong pag-ulan, pagkulog at pagkidlat dahil sa easterlies at localized thunderstorms.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *