4 na suspek sa pamamaslang sa isang lgbtq member sa Abra, naaresto na; gunman dati na ring may kaso ng pamamaril

Nadakip na ng mga otoridad ang apat na suspek sa pamamaril sa isang LGBTQ member na guro sa Brgy. Lipcan, Bangued, Abra noong September 28, 2022.

Ayon sa Abra Police Provincial Office, kinilala ang mga suspek na sina Romel Paa alyas “Ambong”, ang mismong gunman; Sonny Boy Tullas, driver ng sinakyang motorsiklo; Aldrin Alagao, na nagsilbing lookout at Abelardo “Abe” Talape bilang middle man.

Magugunitang pinagbabaril ng riding-in-tandem ang biktima na una nang kinilalang si Rudy Steward Dugmam Sayen, 38-anyos, guro ng Suyo National High School aty residente ng Bangued, Abra habang ito ay papunta sa kaniyang trabaho sakay ang kanyang motorsiklo.

Nagtamo ng tama ng bala sa leeg at likod ang biktima na naisugod pa sa pagamutan ngunit binawian din ng buhay.

Sa tulong ng mga kuhang CCTV footages at salaysay ng mga nakasaksi ay nakilala ang mga suspek at natunton ang mga ito.

Ayon sa kapulisan nasampahan na rin ng kaukulang kaso ang mga suspek.

Sinabi naman ni Abra PPO Acting Provincial Director PCol. Many Castillo Cula, na dati nang may record ng pamamaril si Paa sa labas ng probinsya habang itinuturing naman umanong kontraktor ng grupo si Abelardo.

Maliban dito ay iniimbestigahan na rin umano ang idinadawit na isang barangay official na syang utak ng krimen.

Samantala, hawak na rin ng Crime lab ang narekober na baril para sa gagawing ballistic examination.

Panawagan naman ngayon ng mga pamilya at kaibigan ng biktima ang agarang pagkamit ng histisya sa pagkamatay nito.

Napag-alaman din na napaslang sa pamamaril ang ama nito noong 2014 ngunit hanggang sa ngayon ay hindi pa nakakamit ang hustisya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *