46-anyos na babae sa China, 40 taon nang hindi nakakatulog

Henan, China— Mahalaga ang pagkakaroon ng sapat na tulog saating kalusugan. Ilan lamang sa mga benepisyong makukuha sa pagkakaroon ng sapat na tulog ay ang pagkakaroon ng malusog na puso; malakas na immune system at pagkakaroon ng alertong pag-iisip.

Kaya naman ang palagian at labis na pagpupuyat ay maaaring mag resulta sa mga seryosong health conditions lalo na at ayon sa pag-aaral, ang mga taong walang sapat na tulog ay may mataas na posibilidad sa pagkakaroon ng heart attack.

Ngunit sa bansang China, usap-usapan ngayon ang isang ginang na 40 taon na umanong hindi nakakatulog. Kinilala itong si Li Zhanying, 46-anyos at naninirahan sa probinsya ng Henan.

Ayon kay Li, anim na taong gulang siya nang huli niyang maranasan ang pagkakaroon ng normal na tulog o pamamahinga dahil simula nang sumapit ang kanyang ika pitong kaarawan hanggang sa kasalukuyan, ay hindi na umano ito dinadalaw ng antok.

Saksi sa kondisyon ni Li ang kanyang mga kapitbahay. Ayon sa mga ito, ilang beses na nilang sinubukan na magdamagang maglaro ng baraha ngunit inabot na silang lahat ng antok ngunit hindi ang kanilang kapitbahay na si Li.

Salaysay din ng asawa nito, aktibo sa gabi ang kanyang misis na si Li at pinalilipas nito ang gabi sa pamamagitan ng paggawa ng mga gawaing bahay.

Ilang doktor na rin ang komonsulta sakanya ngunit wala ang mga itong nakitang kakaiba sa kondisyon ng ginang. Binigyan lamang siya ng mga ito ng sleeping pills ngunit hindi naman ito umepekto.

Matapos maibalita ng media ang sitwasyon ni Li, isang grupo ng mga eksperto ang nagkaroon ng interes sakanyang kondisyon. Gumamit ang mga ito ng advanced sensor para i-monitor ang kanyang brainwave.

Dito na natuklasan na si Li ay mayroong kondisyon na kung tawagin ay “sleep when awake”. Sa simpleng pagpapaliwanag, ito ay isang uri ng kondisyon kung saan mababaw lamang ang tulog ng isang tao at hindi rin nito ipinipikit ang kanilang mga mata dahil nananatiling aktibo ang kanilang mga nerves at organs. Mahirap ang pagkakaroon ng ganitong sleeping disorder dahil hanggang ngayon ay wala pa rin itong lunas o gamot.### JUMEL DELA ROSA

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *