CAMARINES NORTE – Nahuli sa akto ng mga tauhan ng Bantay Dagat ang limang mangingisda na iligal na namamalakaya sa karagatang sakop ng Brgy. Hamoraon, Mercedes, Camarines Norte.
Ayon sa Municipal Information Office, lulan ang mga hindi pinangalanang mangingisda sa magkahiwalay na bangka na pawang mga residente ng Barangay Lalawigan sa nabanggit na bayan.
Naaktuhan umano ang mga ito habang aktuwal na nakaladlad ang kanilang lambat.
Nakuha sa mga nahuling mangingisda ang mga fishing paraphernalia na nasa impounding area na ng munisipyo para sa kaukulang disposisyon.
Nagpaalala naman ang LGU sa lahat ng mga mangingisda na hindi naman bawal ang manghuli ng isda basta wag lang sa loob ng 15km. territorial water alinsunod sa umiiral na ordinansa partikular ang mga trawl.
Matatandaan na noon lang nakatalikod na linggo ay narekober ng Bantay Dagat ang mga inabandonang fishing paraphernalia sa karagatang sakop naman ng Barangay Colasi parehong bayan pero walang nahuling tao.
