Para mapalakas ang kakayahan at karunungan ng mga pulisya sa Lalawigan ng Batangas sa pagresponde sa anumang pagsabog o bomb incidents ay sumailalim sa mabubusising training ang nasa 50 law enforcers na isinagawa ng Batangas Police Provincial Office o BPPO.
Ang mga nakapagtapos ay kinabibilangan ng 46 na mga pulis at apat na miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG).
Ayon kay BPPO Provincial Director Police Colonel Samson B. Belmonte, layunin ng 15 araw na Police Explosive Reconnaissance Course (PERC) na magkaroon ng sapat na kaalaman ang mga law enforcers sa explosive ordnance detection, identification, imbestigasyon kaugnay sa eksplosibo, target analysis, techniques, searching methods at mga DO’s and DON’T’S sa pagresponde sa mga bomb threats.
Kaugnay nito ay isinagawa kahapon, Setyembre 12, sa BPPO Camp Grandstand sa Batangas City ang rekognasyon sa mga partisipante habang binigyan ng sertipiko at parangal ang mga nagpamalas ng kagalingan sa kanilang grupo.
Umaasa naman si PD Belmonte na makakatulong ang naturang pagsasanay para madagdagan ang kaalaman at kagalingan ng mga partisipante sa kanilang trabahong mapangalagaan at mapanatili ang seguridad at kapayapaan sa lalawigan.