6 na empleyado ni Teves na naabutan sa raid sa properties nito, nasa kustodiya ngayon ng PNP-CIDG

Nasa kostudiya ngayon ng Criminal Investigation and Detection Group ang anim na empleyado ni Negros Oriental Third District Rep. Arnolfo Teves Jr. na naroroon sa serye ng raid sa mga properties ng mambabatas.

Ayon kay PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo, anim ang nasa pangangalaga ng CIDG habang apat ang at-large sa ngayon kabilang dito ang mambabatas.

Sa isang panayam, sinabi naman ni CIDG chief legal officer PCol. Thomas Valmonte na ang isa sa mga empleyado ay security guard habang ang iba ay mga close associates ng mambabatas. Kasalukuyan silang nasa PNP headquarters sa Camp Crame, Quezon City.

Matatandaang noong Biyernes, ni-raid ng pulisya ang 3 bahay na pag-aari ni Teves at dalawa rito ay pag-aari ng kanyang secretary at close associates sa Bayawan City at sa bayan ng Basay sa Negros Oriental.

Sa bisa ito ng 10 Search Warrants ang ipinatupad dahil sa paglabag sa RA 10591 at R.A.9516.

Nakuha sa raid ang 10 maiikling baril, 6 na rifles, 19 na mahabang magazine at extended magazine, ilang piraso ng bala, mahigit isang daang cartridge case, isang rifle scope, tatlong hand grenade, at gun holster.//CA

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *