Naaresto na ng pinagsanib pwersang PNP Tuguegarao at Enrile ang anim na kataong sangkot sa panloloob sa isang grovery store sa Tuguegarao City, Cagayan.
Sa nakuhang impormasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan sa Police Regional Office 2, unang naaresto ang dalawa sa mga suspek na sina alyas Roy, 21-anyos mula sa Mt. Province at alyas Jojo, 34-anyos na tubo9ng Rizal, Kalinga.
Nasamsam mula sa direktang pag-iingat ni Roy ang isang armscor caliber 45 pistol na kargado ng bala, magazine at tatlong pakete ng hinihinalang shabu habang hand grenade naman ang nakumpiska kay Jojo.
Matapos mahuli ang dalawa ay nakipag-ugnayan naman ang PNP Tuguegarao sa Enrile Police Station na agad nagsagawa ng hot pursuit operation at high risk checkpoints sa Roma Norte, Enrile, Cagayan na nagresulta ng pagkakaaresto na tatlo pang suspek.
Kinilala ang mga ito sa alyas na Moymoy, 48-anyos, Bong, 47-anyos at Lino na pawang mga residente ng Mountain Province at ang susundo sana sa mga ito na si alyas Tony.
Sakay ng mga suspek ang isang green trike na siyang pinara ng kapulisan sa checkpoint kung saan nakumpiska sa mga ito ang dalawang pakete ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P40,050.
Narekober din ang hydraulic jack na ginamit ng mga ito sa panloloob sa grocery store.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng PNP Tuguegarao ang unang dalawang naaresto na suspek habang ang apat naman ay nakapiit sa Enrile Police Station.
Inihahanda na ang patong-patong na kaso laban sa mga naarestong suspek.