6 na lalawigan sa Bicol, ibinida ang kani-kanilang festival sa pagtatapos ng Fiesta Bicolandia

LEGAZPI CITY – Ibinida ng anim na lalawigan sa Bicol region ang kani-kanilang festivals para sa pagtatapos ng Fiesta Bicolandia 2022 na isinagawa kahapon.

Nagsimula ang regional street dance mula sa Vel-Amor Rizal Street at nagtapos sa Ayala Malls sa lunsod ng Legazpi.

Kasama sa aktibidad ang lalawigan ng Camarines Sur, kung saan nanalo ito bilang Best in Festival Showdown sa pagbida nila ng Kaogma Festival; Albay na ibinida ang Magayon Festival at nanalo bilang Best in Musicality; sa Camarines Norte ay ang Bantayog Festival na nanalo bilang Best in Costume; Most Disciplined Contingent naman ang Catanduanes na ibinida ang Abaca Festival; nagwagi naman bilang Best in Concept, Thematic Interpretation ang Masbate para sa kanilang Pamasayan Festival; habang Best in Street Dancing naman ang Sorsogon dahil sa kanilang Kasanggayahan Festival.

Kung matatandaan, nito lamang Biyernes ay pormal na inilunsad ng Department of Tourism (DOT) Bicol ang unang Fiesta Bicolandia Travel and Trade Fair sa lunsod.

Pinangunahan ito ni DOT USec. Ferdinand Cocoy Jumapao, DOT Bicol Regional Director Herbie Aguas, Albay Gov. Noel Rosal at ng iba pang mga tourism officers.

Ang aktibidad ay may temang “Bicol Tourism: Back on Track,” na isang pagkakataon at paalala na ang turismo sa rehiyon ay unti-unti nang bumabangon mula sa pandemya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *