7 katao, nasawi dahil sa sama ng panahon; mahigit 3,000 katao, inilikas dahil sa patuloy na pag-ulan sa Bicol

Umabot na sa pito katao ang nasawi sa Bicol Region dahil sa walang tigil na pagbuhos ng ulang nararanasan sa Bicol region.

Ssa ulat ng Office of the Civil Defense (OCD) Bicol, natagpuan na ang dalawang nawawalang mangingisda sa Mercedes, Camarines Norte.

Naunang natagpuan ang labi ng 49 anyos na lalaking si Jomar Alcayde sa Canimog Island sa Mercedes; habang nasa stage of decomposition na rin ang labi ng 63 anyos na lolo na si Alex Toyado nang matagpuan sa Bagasbas, Daet ng kaparehong lalawigan.

Matatandaang pinaghahanap ang dalawang mangingisda matapos na tumaob ang kanilang bangka noong Enero 16 sa bahagi ng Canimog, Mercedes.

Samantala, umabot naman sa mahigit 3,000 residente ang mga inilikas dahil sa malakas na buhos ng ulan.

Batay sa tala, may kabuuang 3,405 katao o 1,016 na pamilyang nasa evacuation centers sa  Camarines Sur at Camarines Norte dahil sa malakas na pagbuhos ng ulan dulot ng LPA at shear line.

Umabot na rin sa 166 ang bilang ng mga binahang lugar sa Bicol at kabilang dito ang 53 ay mula sa Sorsogon; 44 mula sa Camarines Norte; 32 mula sa Camarines Sur; 14 sa Catanduanes; 12 mula sa Albay; at 11 mula sa Masbate.

May 29 na landslide naman ang naitala dahil sa malakas na pagbuhos ng ulan kung saan 13 rito ay mula sa Catanduanes; 6 mula sa Sorsogon; 5 sa Camarines Sur; 4 sa Camarines Norte; at 1 sa Masbate.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *