7 ‘key bilateral agreements’, nakatakdang lagdaan sa Japan Visit ni PBBM

All-set na ang biyahe ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. papuntang Japan sa susunod na Linggo.

Sa pre-departure briefing sa Malakanyang sinabi ni DFA Assistant Secretary for Asian and Pacific Affairs, Neal Imperial na inaasahan nilang muling pagtitibayin ng Japan trip ni Marcos ang malakas na ugnayan ng dalawang bansa.

Layon din ng official working visit na ma-maximize ang full potential ng Philippine-Japan strategic partnership sa aspeto ng defense, security, political, economic, at people-to-people ties.

Dagdag pa ni Imperial inaasahang aabot sa pitong mga key bilateral agreements ang malalagdaan na may kinalaman sa infrastructure development, defense, agriculture, at information and communications technology na pasok sa priority agenda ni Pangulong Marcos.

Batay sa inilabas na schedule ng DFA lilipad ang Pangulo pa-Japan sa umaga ng February 8 at nakatakdang dumating sa gabi ng kaparehong araw.

Mag-uumpisa naman ang official activities ng Pangulo sa February 9 kung saan kasama sa kanyang mga aktibidad ang pakikipagkita sa Filipino community sa Tokyo bago ito bumalik sa Pilipinas.

Isyu sa ‘comfort women’, ‘di tatalakayin

Hindi bubuksan ni Marcos ang usapan tungkol sa isyung ‘comfort women’ sa gagawin nitong pagbisita sa Japan.

Ayon kay Imperial, hindi matatalakay sa pagpupulong ng dalawang bansa ang naturang usapin dahil lahat ng war-related compensation na kine-claim ng Pilipinas ay humupa o nai-settle na.

Dagdag pa nito, tapos ay ayos na ang issue sa ‘comfort women’ noon pang 1956 sa ilalim ng kasunduan ng dalawang bansa.

Sa kabila nito, sinabi ni Imperial na hindi titigil ang gobyerno sa mga ipinaglalaban hinggil sa ‘comfort women,’ dahil nagdulot ito ng karahasan laban sa mga kababaihang Pilipino noong panahon ng gera.

Samantala, sa kahiwalay na pahayag, sinabi ng organisasyong Lila Pilipina na kailangang gumawa ng Japan ng nararapat na hakbang para sa patas at matagal nang nabinbing resolusyon kaugnay sa comfort women issue.

Mababatid na maraming mga babaeng Pilipino ang na-harass at inalipin ng mga hapong militar noong World War II.
#

‘Luffy’ Japanese fugitives – ‘di makaaapekto sa Japan Visit

Hindi umano makaaapekto sa nakatakdang pagbisita ni Marcos sa Japan ang kontrobesiyang kinasasangkutan ng apat na puganteng hapon na nakadatine sa Pilipinas.

Ayon kay Imperial, kung magkakaroon ng desisyon na i-deport ang mga pugante, susundin ng Pilipinas ang timeline ng deportation proceedings alinsunod sa batas ng Pilipinas.

Dagdag pa ni Imperial, palagay niya ay hindi naman konektado ang usapin tungkol sa mga detained Japanese nationals sa Japan trip ng Pangulo.

Isa umano itong consular matter kung saan ang humahawak ay ang Department of Justice (DOJ) at Japanese Embassy sa bansa, maging ang embassy ng bansa sa Japan kasama ang Ministry of Justice in Tokyo.

Mariing sinabi ni Imperial na hindi makakaapek ang issue ng mga pugante sa pagbisita ng Pangulo sa naturang bansa, at hindi rin nila inaasahan na mapag-uusapan ito sa pagpupulong ng dalawang bansa.

Mabatid na kamakailan, ilang mga representatives ng Japanese Embassy sa Maynila ang nakipagkita kay Justice Secretary Crispin Remulla upang hilingin ang deporation ng apat na hapon, kasama na si Yuki Watanabe o alias “Luffy” dahil sa charges na using counterfeit official marks at theft.
#

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *