70% na arawang kita ng mga restobar sa lungsod ng Sorsogon naapektuhan ng liquor ban

SORSOGON CITY- Problemado ang ilang restobar owners at retailers matapos na ikasa ang pagbabawal ng pagbili at pagbebenta ng alak sa mga establisamiyento sa lungsod ng Sorsogon.

Nang kunin ng Brigada News FM ang saloobin ng ilang restobar owners sa Sorsogon City Rompeolas, na tumanging mag bigay ng pangalan at iparinig ang kanilang tinig sa radyo, sinabi ng mga ito na halos 70% ng araw-araw na kita ng mga ito ang mawawala dahil sa liquour ban.

Ayon pa sa mga ito, bagama’t labag sa kanilang kalooban ang pagkasa ng naturang restriksyon, nakasuporta naman umano sila sa desisyon ng lokal na goberno kung saan umaasa ang mga ito na makakatulong ang isang buwan na pagsasakripisyo ng kanilang hanapbuhay upang maibsan ang patuloy na pagtaas ng kaso ng Covid -19 sa lungsod.

Samantala, sa kabila ng problemang kinakaharap ng mga ito, sinabi ng ilan na imbis na problemahin ang ipinatupad na liquor ban ay gagawa na lamang umano sila ng ibang paraan upang kumita pa rin ng sapat tulad ng pagdagdag ng mga panindang may kinalaman sa pang- araw araw na pangangailangan ng mga tao.

Matatandaan na nag-isyu ng EO No.30 ang alkalde ng lungsod na  nagpapataw ng 24-hour liquor ban sa loob ng isang buwan simula ngayong araw, Hulyo 1, 2021.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *