74 na lugar na apektado ng oil spill, tumanggap ng mahigit P43-M na tulong mula sa pamahalaan at pribadong sektor

Mahigit P43 milyong halaga ng tulong ang naibigay ng national government at pribadong sektor sa 74 lugar sa Regions 4-B (Mimaropa) at 6 (Western Visayas) na apektado ng oil spill sa Oriental Mindoro.

Sa ulat ni Defense Secretary Carlito Galvez Jr. kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., may kabuuang P43.35 milyong halaga ng tulong ang naibigay sa mga lugar na ito mula sa Office of Civil Defense , Department of Social Welfare and Development , Department of Health , local government units at non-government organizations.

Batay pa sa report ni Galvez, may 31,497 na pamilya at 143,713 na mga indibidwal ang naapektuhan ng oil spill mula sa 122 na mga barangay habang 169 katao ang nagkasakit dahil sa insidente.

Kabuuang 849 na sako ng debris na kontaminado ng langis ang nakuha mula sa ginagawang paglilinis sa mga lugar na naapektuhan ng oil spill.

Samantala, inaasahang darating sa bansa sa March 20 ang Remotely Operated Vehicle mula sa Japan upang tumulong sa ginagawang paglilinis sa oil spill.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *