8-week learning recovery curriculum na isinagawa ng DEPED Bicol, naging positibo ang resulta sa mga mag-aaral

LEGAZPI CITY – Naging positibo ang resulta ng isinagawang 8-week Learning Recovery Curriculum ng Department of Education (DEPED) Bicol sa mga Grade 1-3 students sa rehiyon.

Ito ay nasa ilalim ng R5 Learning Recovery plan na naglalayong mapataas ang literacy at numeracy rate ng mga mag-aaral sa rehiyon.

Batay sa datos ng isinagawang assessment, bumaba ang bilang ng mga mag-aaral na “full-resfresher” o mga kailangang tutukan dahil hindi pa marunong magbasa, kung saan mula 50.9% bumaba ito sa 36.47%.

Tumaas naman sa 33.37% mula 27.11% ang mga mag-aaral na “grade ready” o ang mga sapat na ang taglay na kaalaman.

Mula 8.85% naman ay naging 11% ang “moderate refresher” at sa dating 13.14% ay naging 19.6% naman ang mga “light refresher”.

Ayon kay DEPED Bicol Regional Director, Gilbert T. Sadsad, isinagawa ito ng halos isang quarter kung saan ang mga mag-aaral ay walang ibang tinutukan kundi ang pagbabasa, pagbibilang at pagsolve ng mga basic math problems.

Dagdag pa nya, isa itong kritikal na desisyon para sa kanya ngunit naging handa siyang harapin ang lahat ng maaring maging epekto nito basta’t ang maging kapalit ay ang maayos ang estado ng pag-aaral ng mga mag-aaral.

Sa ngayon, postibo ang ahensya na hindi man kadalian, subalit kahit paunti-unti ay masosolusyunan ng programang ito ang malaking learning loss na dinulot ng pandemya sa mga mag-aaral. | MARK ANDREW PORTUGAL

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *