LEGAZPI CITY – Nagnegatibo na sa COVID-19 ang 9 na buwang sanggol na nagpositibo sa nasabing sakit sa isang evacuation center sa bayan ng Daraga, Albay.
Ayon kay Municipal Health Officer, Dra. Edna Freya Tan, kasama na rin sa nagnegatibo ang dalawang pang naitalang COVID-patient na 82 anyos na lola at 12 anyos na bata na pansamantalang nakatira sa Gabawan evacuation center.
Aniya, nakabalik na ang mga ito sa kani-kanilang pasilidad kasama na ang mga naging close contact ng mga ito.
Magpapatupad naman umano ng mahigpit na seguridad sa mga pasilidad kung saan lilimitahan na muna ang paglabas-pasok upang maiwasan ang pagkakaroon ng kaso ng nasabing sakit.
Samantala, muli naman nitong pinaalalahanan ang mga residente ng bayan, partikular na ang mga evacuees na magpabakuna laban sa COVID-19 upang maiwasan ang pagkalat nito.