9 sa 25 bagong kaso ng COVID-19 sa lungsod ng Legazpi, close contact ng guro na unang nagpositibo sa sakit

BNFM BICOL—18 sa 25 panibagong kaso ng COVID-19 sa lungsod ng Legazpi ang may history of exposure sa mga dati nang nagpositibo sa sakit.

Ito ang lumabas sa datus ng Local COVID-19 Task Force kung saan pito sa mga bagong kaso ang hindi pa tukoy kung saan nahawa o for verification ang history of exposure.

Base sa datus, siyam ang nahawa sa iisang pasyente lamang o ang mga naging close contact ni Bicol patient #7947 na isang 49-anyos na babaeng guro na taga Barangay Bonga.

Kabilang sa mga ito ang isang sampong buwang gulang na sanggol, 2-anyos na batang lalaki, 8-anyos, 11-anyos at 20-anyos na mga estudyante, isa pang babaeng guro at iba pa.

Lahat ito residente ng Barangay Bonga at lahat asymptomatic o walang sintomas.

Samantala, tatlo sa mga bagong kaso ay empleyado ng SSS, may isang engineer, isang retired employee at isang empleyado sa mall.

Kaugnay nito ay muling nagpaalala ang local na pamahalaan ng lungsod sa mga Legazpeño na manatili lamang sa bahay kung wala naming mahalagang lakad sa labas at patuloy na sundin ang minimum health standard upang mapababa ang infection rate ng sakit.###

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *