Sinuspinde ni Office for Transportation Security Administrator Undersecretary Ma O. Aplasca ang pagpapatupad ng mandatory shoe removal policy sa lahat ng international airport terminals sa bansa.
Ang utos na may petsang October 13, 2023 na nilagdaan ni Undersecretary Aplasca ay naka-address sa lahat ng Regional Chiefs, Terminal Chiefs, Shifts-in-Charge, Checkpoint Supervisors at sa lahat ng Security Screening Officers sa buong bansa.

Bago ito, ipinag-utos ni Department of Transportation Secretary Jaime Bautista na suspindihin ang shoe removal policy dahil sa mga natanggap na reklamo ng congestion at mas mahabang pila sa Ninoy Aquino International Airport.
Sinabi ni Aplasca na batay sa kanilang pagsasaliksik , ang patakaran sa pagtanggal ng sapatos ay ginagawa lamang sa Estados Unidos.
Dahil dito, hindi na magiging mandatory para sa lahat ng papaalis na pasahero na tanggalin ang kanilang sapatos sa huling security checkpoint, maliban sa lahat ng pasaherong patungo sa US na obligadong sumailalim sa security inspection kabilang ang pagtanggal ng sapatos.
Ang mandatory shoe removal policy ay ipinatupad noong July 10, 2023 na sumasaklaw sa lahat ng international departing passengers kabilang ang mga airport personnel at airline crew.