Aerial search isasagawa para hanapin ang dalawang mangingisda sa bayan ng Mercedes na ilang araw ng nawawala

CAMARINES NORTE- Magsasagawa ng aerial search ang mga awtoridad para hanapin ang dalawang mangingisda mula sa bayan ng Mercedes, Camarines Norte na ilang araw nang nawawala.

Pumalaot ang mga mangingisdang sina Arnel Era, may ari ng bangka at kasama nitong nakilalang si Alex Bersabal noon pang Disyembre 21 at naireport ng pamilya sa Philippine Coast Guard noong Disyembre 24.

Sa panayam ng Brigada News FM Daet kay Chief Petty Officer Mario Allan Rosales, Acting Public Information Officer ng Camarines Norte Coast Guard Station sinabi nito na nag request na sila sa kanilang higher office para magsagawa ng aerial search at naprobahan naman ito.

Hinihintay lang umanong bumuti ang panahon at anumang oras ay lilipad na ang cessna caravan plane ng Coast Guard mula sa Pasay City.

Iikutan nito ang karagatang sakop ng Camarines Norte, Camarines Sur lalo na ang Catanduanes kung saan marami ang nawawalang mangingisda.

Kahapon ay narekober na ang bangka na nakalubog na ang kalahati 4. 5 nautical miles sa Canimog island.

Nadaanan umano ito ng mga mangingisda mula sa Barangay Mambungalon, Mercedes kaya sa halip na pumalaot ay nagpasya na lang na hilahin ang bangka.

Nagkabutas- butas na ang iba’t ibang bahagi ng bangka dahil sa malakas na alon.

Mayroon pa itong makina pero wala nang propeller.

Sinasabing pumalaot ang nabanggit na mga mangingisda sa naturang petsa 55 miles mula sa Calaguas island.

Ayon kay Rosales, hindi bababa sa limang maritime accident ang naganap sa lalawigan ngayong taon at meron na ring mga nasawi at hindi na natagpuan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *